(photo retrieved from: http://img08.deviantart.net/7303/i/2011/252/e/c/poverty_____by_kombatkamote-d49djen.jpg)
Ano ang ugat ng mga suliranin ng ating pamahalaan, kagaya ng korupsyon, populasyon, krimen at pagkasira ng kalikasan. ito ang mga napapanahong isyu ng ating bansa. Bilang isang mamamayang Pilipino, nagtataka kaba kung bakit nagkaroon ng mga ganitong isyu ang ating bansa. Mga tanong kung bakit may korupsyon? Bakit hindi makontrol ang populasyon sa ating bansa? Bakit laganap ang krimen? Bakit hindi mapigilan ang pagkasira ng ating kalikasan? Kaya mo bang sagutin ang mga tanong na ito? Kaya mo ba?
Bakit nga ba may mga opisyal sa ating bansa na inuuna paglingkuran ang kanilang sarili kesa sa bayan. Mga namumuno ng ating pamahalaan ang siyang magnanakaw sa kaban ng bayan. Mga pulitikong ang tanging hangad ay magkaroon ng kapangyarihan at yumaman at ginagamit ang kanilang posisyon para sa makasariling hangaring ito na siyang nagpapalugmok at nagpapahirap sa ating kababayan. At mga lalong naghihirap na nagluklok sa kanila ay lalong naghihirap at umaasang sula ay tulungan.
Sa isang panig, lagi ng isa sa mga pangunahing suliranin ang pagkontrol sa paglaki ng populasyon sa bansa. Kadalasan pa, ang pamilyang nasa kahirapan ang mayroong malalaking bilang ng mga anak. Sa kabila ng hirap ng pamumuhay,mahigit lima hanggang labing-isa ang kanilang mga anak. Ang isang dahilan ay ang kakulangan ng tamang pagpaplano ng pamilya o ang tinatawag na "family planning." Wala silang sapat na kaalaman para sa tamang pagpaplano o ang maaaring kahinatnan ng isang malaking bilang ng mga anak na kailangang pakainin, damitan, pagaralin at buhayin. Dahil ang karamihan sa kanila ay hindi nakakapag-aral sa paaralan. Ngunit bakit hindi sila nakakapag-aral? Dahil wala silang pera para makapag-aral, dahil sila ay MAHIRAP lamang. Kasabay sa pagdami ng populasyon, paglaganap din ng krimen sa ating bansa. Hindi mo na malaman kung saang lugar ka ba ligtas. Kaliwa't kanan ang nakawan at holdapan sa iba't ibang lugar. Bakit nga ba lubha ang paglaganap ng krimen sa ating bansa? Pati mga musmos na bata marunong ng magnakaw ng mga pagkain sa palengke. Sa halip na ang mga batang ito ay nag-aaral sila ay nagnanakaw para may makain. Nagagawa nila ang mga ganitong krimen dahil sa KAHIRAPAN. Nagagawa nila ito upang makaraos sa MAHIRAP na buhay at ipagpatuloy ang kanilang buhay.
Akala nating lahat tayo ay naaapektuhan ng mga isyung ito. Hindi natin napapansin, pati ang ating kalikasan ay nadadamay dahil sa mga isyu ng kahirapan. Sa panahon ngayon, mabilis na ang pagkasira ng ating kalikasan at dahil ito sa madami na ang gumagamit at nakikinabang dito. At hindi makontrol ng ating pamahalaan ang lubusang pagkasira nito. Saan ba tayo kumukuha ng mga hilaw na materyales para sa produksyon? Hindi ba sa ating kalikasan? Sa pagdami nga ng populasyon sa ating bansa, lalong dumadami ang pangangailangan ng mga tao sa iba't ibang produkto. Kung ibabatay natin ito sa law of demand, sa pagdami ng demand, kumokonti ang supply. Sa pagpupuno ng pangangailangan o supply, pagkawasak naman ng ating inang kalikasan. Paano na lang kung wala na tayong makuha sa ating kalikasan dahil ito ay sirang-sira na. Mas lalong dadami ang MAHIRAP sa ating bansa.
Ang korupsyon, paglaki ng populasyon, paglaganap ng krimen at pagkasira ng kalikasan ay magkakadugsong lamang. Naaapektuhan nito ang isa't-isa. Iisa lamang ang rason ng mga paglaganap ng mga ito, at ito ay ang KAHIRAPAN.
Kahirapan ay hindi na bago sa ating mga Pilipino dahil ito ang madalas na reklamo ng iba sa atin. Ito ay lagi din nating inerereklamo sa ating pamahalaan. Sinisisi natin ang pamahalaan kung bakit marami ang mahirap sa ating bansa. Hindi ba dapat mga sarili natin ang ating sinisisi kung bakit naging ganito ang ating buhay. Imbis na naiinggit tayo sa mga taong may kaya sa buhay at reklamo ng reklamo magsimula na tayong magisip at gumawa ng paraan para sa makaahon sa hirap. Ang salitang DISIPLINA ang wala sa ating mga Pilipino. Alam pa kaya ng bawat isa sa atin ang salitang ito? Sa tingin ko, isa ito sa magiging solusyon sa pagbawas ng kahirapan sa ating bansa. Wag na tayong masyadong umasa sa pamahalaan. Tumayo tayo sa ating sariling paa at simulan na ang pagbangon. Wag na nating isipin kung gaano kahirap ang ating tatahakin. Isipin na lang natin na ang hirap na dadanasin natin ay magbubunga ng ginhawa sa ating buhay. Wag na nating palagpasin ang mga pagkakataon na dumadating sa ating buhay gaano man kaliit o kalaki ang mga ito.
Ngayon alam na natin ang ugat na ito ay kahirapan. Ngayon, ano ba ang ugat ng kahirapan? Kakulangan ba ng edukasyon? Edukasyon na nga ba ang susi sa lahat ng suliranin ng pamahalaan? Sa tingin mo, edukasyon na kaya?